(unang tulang isinulat ko para/dahil sa Spoken Word Poetry)
Gusto kong gumawa ng simpleng tula
Yung hindi mapalabok, hindi maboka, yung may kwenta
Kasi sa tuwing gumagawa ako ng tula, lagi nalang pag-ibig ang tema
Na para bang ako si Juliet sa isang kwentong puno ng pait, sakit at drama.
Pero ang totoo nyan, hindi ako si Juliet.
Kasi si Juliet may Romeo, ako wala.
Si Juliet, nagmahal at minahal, ako nagmahal lang
Si Juliet maganda, ako, mabait lang
Si Juliet, iniyakan; ako tinawanan
Pero higit sa lahat, si Juliet, totoong minahal, totoong pinahalagahan.
'Di ko gusto na mapunta na naman tayo sa kadramahan ko
Pero nandito narin naman tayo, e di ituloy na natin to.
Gusto ko rin namang maging masaya,
Yung tipong kahit mamatay ka, kasama mo naman yung taong nagmahal sayo, nag-alala, nagpahalaga
yung kahit na tutulan yung pagmamahalan nyo ay ipaglalaban ka, kahit saang korte pa kayo ihabla
yung kahit na maliitin ng iba yung feelings nyo sa isa't isa, alam mong may isang taong hahawakan yung kamay mo ng mahigpit, at patuloy kang bubulungan ng mga salitang alam mong hindi lang inimbento - mga salitang hindi lang basta sinalita, dahil sa bawat hininga na nararamdamang mong dumadampi sa mga tenga mo kasama ng kanyang mga pangako, ay isang pakiramdam na tanging sya lang ang nakakapagbigay sayo - na sa sobrang kakaiba noon eh hindi mo maipaliwanag yung dahilan - kahit pagbali-baliktarin mo yung utak mo kakaisip, hindi mo parin mahahanap ang dahilan - kung paanong sa pamamagitan lang ng salita nya eh patuloy kang kumakapit at naniniwala na sa huli, magiging maayos din ang lahat.
Kakaiba no? hindi ko inakalang ganito rin pala yung inaasahan ko sayo nung sabihing mong "mahal mo ako"
Alam kong hindi ko dapat ginawa yun, dahil sa hindi nga ako si Juliet, kaya imposibleng maging ikaw si Romeo.
Kasi si Romeo, tapat, ikaw, kupal
Si Romeo, sweet, ikaw walangya wala kang lasa!
Si Romeo, gwapo, ikaw, mukhang mang-gagancho
Si Romeo, mapursige, ikaw sige lang ng sige!
Pero higit sa lahat, si Romeo, inibig si Juliet ng totoo.
Ayaw ko na sanang gumawa ng tula na tungkol sa'yo
Kasi walanjo sandamukal na yata yung mga akdang naisulat ko dahil at tungkol sayo.
Pero naisip kong kailangan kong patuloy na sumulat ng tula at kwento
Uulit-ulitin kong ipaalala sa sarili ko yung lahat ng naramdaman ko sa mga panahong magkasama tayo - yung saya, yung lungkot, yung galit, yung unang pagpatak ng luha, yung sumunod na pagtulo, yung inakala kong huling luha na iluluha ko para sayo, at yung mga luha na patuloy na dumadaloy dahil sayo.
Dahil sabi nila, ang isang bagay pag pinaulit-ulit mong ginawa o sinabi, mawawalan na ito ng halaga at kahulugan.
Kaya uulit-ulitin kong ipaalala sa sarili kong - MAHAL KITA - mahal na mahal na mahal kita - mahal na mahal kita - mahal ki-ta - ma-hal ki-ta - MINAHAL KITA.
Gusto kong gumawa ng simpleng tula
Yung hindi mapalabok, hindi maboka, yung may kwenta
Kasi sa tuwing gumagawa ako ng tula, lagi nalang pag-ibig ang tema
Dahil minsan akong naging si Juliet ng isang pag-iibigang ako lang ang nagpahalaga.
No comments:
Post a Comment